KASABAY ng pag-upo ni Darwin dela Calsada ay ang pagbagsak din ng laro ng Dumaguete.by Jonas Terrado

(Photo - Joseph Ventura)

Bulls 6, Uni-Bikers 4

Nasayang ang naipundar na 3-2 kalamangan sa anim na innings na pagpukol ni Dela Calsada nang hindi matapatan nina Chris De Leon at Saxon Omandac ang kanyang ipinakita upang makuha ng nagdedepensang Batangas ang 6-4 panalo sa pagbubukas ng Baseball Philippines Series IV kahapon sa Rizal Memorial Baseball Field. Inulan ng tatlong hits at apat na runs sina De Leon at Omandac sa krusyal na seventh inning dahilan upang umalagwa ang Bulls sa 6-3 kalamangan. Nagbunga naman para kay team manager Randy Dizer ang pagpili kay Jay Laurel na humalili sa starter na si Vladimir Eguia nang limitahan lamang niya ang kalaban sa dalawang hits at isang run sa huling dalawang innings upang magkaroon ng magandang panimula ang nagdedepensang kampeon. "Kapag Dumaguete ang kalaban talagang dikit lagi ang game dahil na rin siguro sa may pressure lalo nga't kami ang naglaban sa finals sa Series III," wika ni Dizer. Mahusay ang ipinakita ng starting pitchers ng magkabilang koponan dahil si Eguia ay mayroon lamang tatlong runs at walong hits bukod sa tatlong stikeouts habang ang beteranong si Dela Calsada ay may apat na hits, dalawang runs at pitong strikeouts. Ngunit walang matibay na reliever ang tropa ni Lito Pulgo upang maunsiyami ang tangkang pagbawi sa Batangas na umani ng 2-1 panalo sa kanyang koponan sa best of three finals. Si De Leon ang ipinasok sa top of the seventh inning at agad itong nagbigay ng base on ball kay Jessie Natanawan at dalawang perfect bunts kina Teddy Landicho at Romar Landicho para sa loaded bases situation. Inilipat si De Leon sa centerfield at ang naunang inilagay sa puwesto na si Omandac ang pinagpukol. Na-out sa homeplate si Natanauan pero isang fielding error ni catcher Edmer Del Socorro ang nagpaiskor kay Landicho. Nasundan ito ng isang single ni Chris Canlas na nagpapasok naman kina pinch runner Miggy Zuluaga at Randy De Leon bago si Canlas mismo ang naghatid ng pang-apat na run sa inning sa isa pang error ni Del Socorro. Kinatampukan ang larong ito ng tatlong homeruns na kung saan dalawa rito ay ginawa ng Bulls sa katauhan nina Jojo Apura at Matt Laurel sa second inning at si Frank Ramos sa eight inning. "Malakas pa rin ang team kahit nawala si Roel Batoto dahil nakuha ko sina Canlas at Niel Suelto na parehong beterano. Babalik din sa December si Justine Zialcita kaya tiwala akong may laban kami sa finals," wika pa ni Dizer.