Taguig, Batangas nagsipanalo sa Baseball Philippines

Posted in: Alabang Tigers, Archive, Batangas Bulls, Dumaguete Uni-bikers, Forward Taguig Patriots, News, Series VIII (2011)- Jun 23, 2011 No Comments

NAGSANIB sa limang RBIs sina Jeffrey Hardillo at Justin Payongayong upang igiya ang Taguig Patriots sa 11-8 panalo laban sa Alabang Tigers sa Baseball Philippines Series VIII kahapon sa Parade Grounds sa Clark Field, Pampanga.

May 11 hits sa laro ang Patriots laban sa 13 ng Tigers pero nangyari ang mga patama ng una kapag may tao sa base para mapagtibay ng Taguig ang paghawak sa mahalagang ikaapat na puwesto sa nasungkit na ikatlong panalo sa walong laro.

Bumawi ang starting pitcher ng Tigers na si Marco Martinez sa masamang pagpukol nang hindi sumablay sa apat na pagpalo at nakapaghatid pa ng apat na runs pero napatahimik ng Patriots pitchers ang ibang kakampi nito para malaglag ang koponan sa 2-6 baraha sa ligang inorganisa ng Community Sports Inc (CSI) katuwang ang Gatorade, Rawlings, The Heritage Park, Harbour Centre. Philippine Transmarine Corporation, Emperador Brandy, Victory Liner at Philippine Sports Commission.

Lumapit naman sa isang panalo ang Batangas Bulls sa puwesto sa Final Four nang durugin ang batang koponan na Dumaguete Unibikers, 11-0, sa tampok na laro.

Tig-isang hits lamang ang ibinigay nina Bulls pitchers Vladimir Eguia at Randy De Leon habang 3-of-3 mula sa dalawang single at isang triple si Justin Zialcita para pamunuan ang 19 hits na kinamada ng Batangas.

Ang panalo ay ikaapat sa siyam na laro ng Bulls at kailangan na lamang nila na maduplika ang ipinakita sa muling pagtutuos ng Unibikers ngayong umaga para samahan ang Manila Sharks at Cebu Dolphins sa semifinals.

Si Darwin dela Calsada ay nagbigay ng tatlong hits at isang run sa unang tatlong innings pero si second relief pitcher Irvin Tuazon ang siyang lumabas na winning pitcher nang limitahan sa apat na hits at tatlong runs sa 4 2/3 innings ang Tigers.

Lumabas nga ang tibay ng dibdib ni Tuazon, ang UAAP Best Pitcher matapos tulungan niya ang UST na magkampeon sa liga, sa ninth inning nang isalba ang two-out loaded bases situation para sa Tigers sa paghirit ng flyout kay Boc Boc Bernardo upang ma-stranded sa bases sina Leslie Suntay, Maratinez at Arcel Aligno.

“Nakauna kami sa laro pero nagrelax ang mga players. Itoang sakit ng team, kapag nakakalamang kaya hindi ito dapat na mangyari uli dahil mas kumpleto ang Alabang sa muling tagisan naming,” wika ni Taguig assistant team manager Gerry Fernandez.

Sampung players lamang ang nakasipot para sa Tigers na unang umiskor sa first inning sa pamamagitan ng lead off single ni Adrian Bernardo bago ninakaw ang second at third at humarurot sa homeplate sa single ni Kelly Culubong.

Pero malamig si Martinez sa kanyang pagpukol at nagbigay ng dalawang hits habang ang depensa ay mayroong isang error upang makapasok ng tatlo ang Taguig para sa 3-1 bentahe.

Ang sacrifice fly ni Hardillo sa second inning para paiskorin si Christian De Leon tungo sa 4-1 kalamangan ang nagtulak sa Alabang na palitan na si Martinez ni Bernardo.

Ngunit wala rin sa kondisyon ang batang pitcher at pinahintulutan ang Patriots ng walong hits tungo sa pitong runs sa sumunod na anim na innings para sa 11-7 bentahe.

Si Kasulhay Arjel nga may run-triple sa fifth habang two-run double naman ang hinataw ni Payongayong sa eight inning para katampukan ang dominasyon ng Taguig kay Bernardo.

No Responses to “Taguig, Batangas nagsipanalo sa Baseball Philippines”

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.